May anak na ako.
Carl ang pangalan niya at anim na buwan pa lamang siya. Nakilala ko siya sa Ward 9 Bed 1 ng PGH. May sakit siya sa puso. Tinamaan na rin siya ng pneumonia sa tagal ng inilagi niya sa ospital. Sobrang payat ng kanyang munting katawan kaya halos buto's balat na talaga siya.
Pero may mas masaklap pa siyang sinapit bukod sa mga iyan.
Iniwanan na siya ng nanay niya.
Ewan ko. Siguro daw, sabi ng lola, nagsawa na 'to na mag-alaga sa kanya. Bigla na lang daw itong umalis nung naka-admit na si Carl sa PICU (Pediatric ICU) at hindi na bumalik pa. Walang anumang pasabi. Basta na lang niya tinalikuran ang kanyang anak ng ganun-ganun na lang na parang walang pakialam.
Araw-araw kong binabalikan si Carl. Siyempre, dahil ako ang estudyanteng naka-assign sa kanya, trabaho ko talaga ang alamin kung ano na ang mga nangyayari sa kanya. Binabalikan ko siya kada oras upang makita kung ok pa ang mga vital signs niya. Kinukunan ko siya ng dugo para maipadala sa lab at malaman kung may impeksyon pa ba siya sa katawan. Binibigyan ko siya ng reseta para sa mga gamit na kailangan niya. Paminsan-minsan ay ako rin ng nagtuturok ng mga gamot na kailangan niya.
Pero habang ginagawa ko ang lahat ng iyon, naiisip ko, paano na kaya siya sa paglabas niya ng ospital? Sinong mag-aalaga sa kanya? Mukha namang matiyagang mag-alaga ang kanyang lola, tita, at ama na nagsasalit-salitan sa pagbabantay sa kanya. Ngunit paano nila mabibili ang mga gamot na kailangan niya upang mapanatili ang kalusugan niya? Saan sila kukuha ng pambili ng mga masusustansiyang pagkain para maging mas matibay si Carl laban sa mga sakit? Sino ang magtutustos sa pag-aaral niya?
Ipinaaampon siya sa akin ng tita niya.
Alam ko namang nagbibiro lang ito. Na sa tuwing sinasabi niyang, "O Carl, ayan na ang mama mo o!" ay may mga ngiti rin sa kanyang mga labi na nagpapahiwatig na pinagti-tripan niya lang ako.
Pero sa totoo lang, isa itong tempting na alok.
Hindi ko naman sinasabing kaya ko nang bumuhay ng isang bata bilang aking anak. Hindi pa talaga. Para lang kasing may kumukurot sa puso ko kapag nakikita ko ang mga batang ganun. Ang dami pa namang mga ganun sa PGH. Paano pa iyong mga nasa labas?
Ang bawat bata ay ipinapanganak na isang "clean slate". Kung ano ang magiging kinabukasan niya ay nakasalalay sa kung anong mga bagay ang isusulat sa slate na iyon ng mga taong mag-iimpluwensya sa kanya. Pero paano kung wala? Paano kung walang kahit sinong tao na gustong mag-aruga sa kanya? Paano kung walang gustong mag-alay ng konting oras at panahon para masigurong mabibigyan siya ng mga pangangailangan niya? Paano kung walang magkakaroon ng pagmamalasakit na turuan siya ng tama at mali? Ano ang kahihinatnan niya?
Hindi ko alam. Habang sinusulat ko ito, unti-unti ko rin namang naaalala ang mga nanay na lubus-lubusan ang pagmamahal sa kanilang mga anak.
Walang tao ang maaaring maging ulilang lubos. Dahil naniniwala ako na para sa bawat taong inilalang sa mundo, may inilaan ang Diyos na mga tao para gumabay sa kanya, tumulong, mag-aruga, at magmahal. Hindi pwedeng wala. Meron at meron ding lalabas diyan na magmimistulang anghel sa buhay nila at tutulungan silang harapin ang pagkakatawag ng Panginoon sa kanila.
May ilan nang mga tao na nakagawa noon.
Kaya ko rin bang gawin iyon?
*************************************
Sabi ko na nga ba e. I spoke too soon about Pedia.
*************************************
Ate Katski, this is still not my February 14 entry.
*************************************
Hi dear. MOA. MOA. MOA.
Wednesday, February 20, 2008
.carl.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

0 comments:
Post a Comment